Friday, September 7, 2012

Pagbabago...

Aking binalikan ang dati kong mga entries, pati na din yung mga accounts ko sa iba't-ibang social media sites. Na-realize ko na kailangan ko ng burahin ang ibang mga account ko, gayundin ang ilan sa mga blog entries ko dahil marami ng nag-iba. Lalo na ang mga pananaw ko sa buhay. Mas gusto ko ng pribado ang mga bagay-bagay. Masaya na ako sa iilang kaibigan ko na nasasabihan ko ng tunay kong nararamdaman. At aking napagisip-isip na mahirap magtiwala sa lahat. Mahirap ikwento ang lahat ng tungkol sa iyo. Kasi minsan ito ang magiging daan sa mga pangyayaring ayaw mo mangyari pero hindi mo naiwasan dahil naibahagi mo na ito sa mga tao. 

Ngayon, mas gusto kong isa o dalawa lang ang nasasabihan ko ng mga nararamdaman ko. At ang ganda rin pala ng kinakalabasan 'pag nag-iiwan ka ng misteryo sa maraming tao tungkol sa iyo. Marahil tatawagin ito ng iba na ika'y nagkukunwari pero para sa akin ito ay pagpapahalaga sa iyong sarili. May mga bagay kasi talaga na para sa iyo lang o kaya naman sa inyong dalawa lang ng pinagkakatiwalaan mong kaibigan. 

Hay, natatawa nalang ako sa mga entries ko dati. Sa mga kilig, frustrations at heartaches! Ang laki na ng pinagbago ko. Ang mga frustrations ko dati tinatawanan ko nalang ngayon! Dahil sa mga iyon ako ay natutong mas maging matapang, masipag at madasalin. Sa kilig at heartaches, naku naman! Marahil nga hindi pa ako nakakaranas magmahal. Ito 'yung pagmamahal na haaay! parang nababaliw ata ang karamihan. Maganda ang mga experiences na iyon. Halong emosyon eh masaya at malungkot, at madalas nacu-curious  pa rin ako. Pero kasi alam ko naman na dadating din yun eh. Dapat lang maging patient.

Nakikita ng lahat at madalas nila sabihin sa akin na masayahin daw ako at palaging positibo. Pero 'di nila alam, na may mas malalim na Cye na iilan lamang ang nakakakilala. Ninais ko itong itago at ibahagi sa iilan lamang. 'Yun kasi ang naging daan sa patuloy na paghubog sa aking pagkatao.

Nae-excite na ako sa darating pang panahon at makita ang mas okay na ako :)