Nagpaalam na sa amin si Cutie kanina. Dalawang linggo din niyang pinaglabanan ang kanyang sakit. Nakikita niya kasi kaming nalulungkot at umiiyak kaya ayaw niyang bumitiw. Pero kanina ng sinabi ni mommy na, "Cutie, alam namin na hirap na hirap ka na. At kaya ka lang lumalaban ay dahil ayaw mo kaming iwan. Pinapakawalan ka na namin, pahinga ka na Cutie namin!" Tuluyan ng bumitiw si Cutie at nagpaalam. Naku naman! Naluluha na naman ako... Napakasakit naman nito. Para akong nawalan ng kapatid at kaibigan. Limang taon na puno ng saya. Binago ni Cutie ang buhay ko, ang buhay namin. Dati kasi, takot ako sa hayop. Pero ng dumating siya sa amin napamahal na sa akin ang mga hayop lalo na ang mga aso. Kahit nga ang thesis ko hindi ako natakot sa mga dagang gamit namin dahil sanay na sanay na akong humawak ng mga hayop.
Napakasakit tignan si Cutie na hinang-hina. Ayaw ko siyang bitiwan gawa na rin ng pangungulilang aking nararamdaman. Ng nawala si lola si Cutie ang nagpawala ng lungkot na aming nadarama. Nakikita kasi namin si lola sa kanya. At ngayong wala na siya nagbabalik na naman ang lahat ng sakit.
Cutie, mahal na mahal na mahal ka ni Ate Cye. Lucky charm kasi kita eh. Napakasakit cutie. Bakit napakaiksi naman? Sanay hinabaan mo pa ang iyong pamamalagi dito sa amin. Ikaw ang baby namin eh. Sino ng sasama kay Ate Cye sa bahay pag wala sina mommy? Sino na ang magbabantay sa akin pag ako ay nagrereview? Sino na ang sasama sa akin tuwing gabi pag gusto ko mag-cr? Cutie, napakasakit tignan ka kanina na lumalaban at pilit na hinahalikan ang mga kamay ko. Ayaw mo akong makitang umiyak no? Pero patawad napakasakit talaga. Mamimiss kita. Mamimiss ka namin. Maraming salamat Cutie, hindi kita makakalimutan. Mahal na mahal ka ng ate :'( Napakasakit Cutie. Paalam!

